Diario De Manila | Huwag Kang Pupunta sa Isabela Kung Ito Ang Mga Hinahanap Mo… | Ang Rehiyon ng Cagayan Valley ay matatagpuan sa Isla ng Luzon kung saan ito ang pinakamalaking Isla ng Pilipinas. Ating makikita dito ang pinaka-mahabang bulubundukin sa Pilipinas, ang Sierra Madre at ang lalawigan ng Isabela. Alam niyo ba ang Isabela ang pangalawang pinakamalaking lalawigan sa Pilipinas? Ito ay batay sa lawak ng lupain at sa mga iba’t ibang malalaking produksyon ng agrikultura, tulad ng bigas at mais. Ang Isabela rin ay may mga likas na yaman at magagandang atraksyon tulad ng Magat Dam, Japanese Tunnel, Simbahan ng Tamauini, at marami pang iba.
Kung umabot ka dito, mapapaisip ka ng “Bakit huwag ako pupunta sa Isabela kung nandito ang hinahanap ko?”. Halina’t talakayin natin kung bakit ‘wag kang pupunta kung nandito mga hinahanap mo sa isang lalawigan.
Mga Masasayahin At Mabubuting Mamamayan

Huwag na huwag kang pupunta sa Isabela kung hinahanap mo sa isang komunidad ay masayahin at may bayanihan dahil magugulantang ka kung gaano kaayos ang mga Isabeliños or Isabeliñas (tawag sa mga kababaihan na taga-Isabela). Kilala rin sila sa pagiging masigasig, matulungin, at may malalim na pagpapahalaga sa kanilang kultura at tradisyon.
Sari-saring Pyesta

Pyesta, ito ang isang kaganapan sa Pilipinas na halos inaabangan ng lahat. Kung ikaw ay mahilig sa mga pyesta, huwag na huwag kang pupunta sa Isabela kung ayaw mong mabusog sa sarap at saya ng iba’t ibang handaan sa pyesta ng Isabela. Isa sa sikat na Pyesta sa Isabela ay ang “Bambanti Festival”, ito ay kilala bilang isa sa pinakamalaki at pinakamakulay na selebrasyon sa buong rehiyon ng Cagayan Valley. Ang Bambanti (Scarecrow) ay ginagamit ng mga magsasaka upang takutin ang mga ibon at protektahan ang kanilang mga pananim. Ang Bambanti Festival ay pangunahing pagpapakita ng pasasalamat at pagpapahalaga sa mga magsasaka at sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa agrikultura tulad ng bigas, mais, at iba pang mga produkto sa Pilipinas.

Sa pagdiriwang ng “Bambanti Festival”, ginaganap din dito ang iba’t ibang mga paligsahan tulad ng Queen Isabela, Festival King and Queen, Agri-Ecotourism Booth and Giant Bambanti, Street Dance Competition, Festival Showdown Competition, and Makan ken Mainum.
Ang Mausbong Na Ekonomiya ng Isabela

Mausbong ba ang hanap mo? Oh, huwag na huwag kang pupunta sa Isabela kung ganito ang hanap mo kasi baka hindi mo na gustuhing bumalik sa siyudad. Ngayong 2025, iba’t ibang mga ambassador ang bumista sa lalawigan ng Isabela na galing sa mga sumusunod na bansa: Hungary, Russia, Belgium, Bangladesh, Romania, Argentina, Cambodia, Greece, Indonesia, Thailand, Oman, at marami pang iba. Hindi lamang ‘yan, sumali rin ang Isabela sa Agri-innovation Exhibit sa Thailand noong nakaraang taon. Nagpatayo rin sa Isabela ng Solar-Powered Irrigation Systems at tatlong pang PGI (Provincial Government of Isabela) Hemodialysis Centers.

Kung edukasyon ang paguusapan, isa na dito ang ipagmamalaki ng Isabela ang kanilang “e-library”. Bukod pa dito, may mga program sila para sa mga magsasakang Isabeliños tulad ng “Isabela Rice Assistance Program” at “Palay Procurement Program”. Upang mabilis ang transportasyon ng mga produkto nila, nagpadala ang PGI ng mahigit 953 na hauling trucks sa 1,018 na barangay simula noong Hulyo 2024. Maaring makita pa ang iba pang mga nagawa nila sa kanila official website: https://www.provinceofisabela.ph/
Mga Mabibighaning Atraksyon at Kultura ng Isabela

Atraksyon at kultura, ito ang mga iba’t ibang hinahanap ng mga turismo sa ating bansa. Huwag na huwag kang pupunta sa Isabela kung ayaw mong mabighani sa iba’t ibang Atraksyon at Kultura ng lalawigang ito. Mahahanap dito ang isa sa pinaka-matandang “pottery making” sa bansa. Hindi rin magpapahuli ang Ilagan Japanese Tunnel, isa ito sa sinakop ng mga Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig. Hindi makokompleto ang pagpunta niyo sa Isabela kung hindi niyo titikman ang kanilang sikat na Pansit Cabagan. Kung sa Maynila meroong Rizal Park, dito sa Isabela meroong napakagandang parke na “Queen Isabela Park”.

Ano pang hinahantay niyo? Ettam Ngana Ta Isabela! #AngPiyestaNgBagongPilipinas
